SALAMIN by Malou Bautista, North E

Habang pinakikinggan ko ang pagbabahagi ni Ms. Peggy Lasa tungkol sa Prison Ministry noong kauna-unahang  Sectoral Assembly ngayon taon, naramdaman ko ang Panginoon ay nangusap sa akin puso, “Puntahan mo ako“.
Enero 7, sumama ako sa pag bisita sa mga bilanggo. Nasa loob na kami ng  Quezon City jail at papalakad patungo sa pinagdarausan ng prayer meeting ay nakaramdam ako ng takot at maraming tanong ang sumagi sa aking isipan. Isa na dito ang tanong  na “Paano kung magkaroon ng riot? Paano kami? Baka hindi na kami makalabas ng buhay“.

Ngunit nung nag uumpisa na ang prayer meeting unti-unting nawala ang takot at mga tanong. Napalitan ito ng kapayapaan sa aking puso’t isipan dahil nakita ko sa bawat bilanggo ang kasiyahan at pananabik. 

Sa aking pakikipag- usap sa mga bilanggo, iba’t ibang kwento ang aking napakinggan. Si Mang Jun, illegal possession of drugs. Si Mang Waldo, rape at si Michael, hold- up. Ang tanging naibulong ko lang sa aking sarili ay mahirap at masakit tanggapin ang mga pangyayari pero kahit sa kanilang pagkakabilanggo, nakita ko pa rin na nagamit ng Panginoon ang kanilang sitwasyon para maipakilala nya ang Kanyang Sarili sa kanila. 

Hindi pa napapatunayan kung totoong nag kasala sila sa batas. Hindi ko man sila nakilala bago sila pumasok sa bilangguan. Hindi ko alam kung ano ang mga kasalanang nagawa ng bawat bilanggo. Pero nasasalamin ko sa kanilang mga mukha ang bakas ng pagsisisi, pagpupursigi na makapag bagong buhay at makalaya. Nasasalamin ko rin ang pananabik nila na makilala ng lubusan ang Panginoon at ang pagkauhaw na makapakinig ng salita ng Diyos. 

Kahit sa kaunting oras at panahon na inilagi namin doon ay naipadama namin ang pagmamahal sa kanila ng Diyos. Sa simpleng regalo na sabon, shampoo, toothpase, pandesal, juice atbp ay masasalamin mo ang kasiyahan sa kanilang mukha na parang bang nakatanggap sila  ng mamahaling regalo. Hindi man kami ang tunay na kapamilya, mararamdaman mo na nasasabik sila sa dalaw. At paulit-ulit mong maririnig sa kanila “Maraming salamat, huwag sana kayong magsasawa sa pagdalaw sa amin“. 

"Nasalamin ko ang mukha ni Jesus sa bawat bilanggo." - Malou Bautista, North E

Ang hamon na naghihintay sa bawat bilanggo ay paano nila haharapin ang buhay sa labas ng bilangguan. Paano sila tatanggapin ng lipunan. Ang bawat isa sa atin ay binibigyan ng Panginoon ng pagkakataong makapag bagong buhay nasa loob o labas man tayo ng bilangguan. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ito. 

Ang pagdalaw ko sa bilangguan ay hindi isang aksidente, kundi isang pagsunod sa paanyaya ng Panginoon na “Puntahan mo ako“. Doon nasalamin ko ang mukha ni Jesus sa bawat bilanggo, sa mga ngiti sa kanilang mga mukha at walang patid na pasasalamat. Si Jesus ang nangusap sa akin sa mga oras na iyon, nagpapasalamat at may kasamang ngiti sa pagdalaw namin sa kanya sa loob ng bilangguan. 

  

- Malou Bautista, North E

pixelstats trackingpixelShare on Facebook

Speak Your Mind

*